Monday, June 2, 2008

ANG TUNAY NA MAPALAD







NAMAMANAHON ANG ARTIKULO NI MAESTRO HONORIO ONG NITONG NAKARAANG JUNE 4, 2008 sa pahayagang BULGAR, kung saan, ipinakita niya kung paanong sa kabila ng Krisis Pandaigdig na nararanasan ng mga tao, may mga bagay na dapat paring ipagpasalamat.

Sa artikulo niyang: ANG TUNAY NA MAPALAD

Itext – June 4, 2008

Dear Mho,

May pag-asa po ba akong tumangkad Maestro kahit na half inches lang, bago sumapit ang edad kong 30. October 19, 1983 po ang birthday ko. Code name: Libra ng 9166777629

SAGOT:

Sad to say na wala ka ng pag-asang tumangkad, sapagkat ayon sa mga pagsusuring isinagawa hinggil sa height o pagtaas ng isang indibidual, kadalasan itong nagaganap mula sa pagkapanganak hanggang sa ika-18 at minsan ay umaabot pa ng 21 hanggang 22 years old. At dahil lagpas ka na sa nasabing edad malabo at imposible ka ng tumangkad o madagdagan pa ang iyong height.

Tandaan ding ang height gayon din ang pigura ng katawan, tulad ng matambok na dibidb, malaki at matabang pagkalalaki ay namamana, gayon din ang hubog at hugis ng katawan, kaya nga kapag ang pisikal na anyo ang problema ng isang tao, mas ipinapayo ng mga dalubsa na tanggapin na lang ng maluwag sa loob ang kapalaran at maging satisfied na sa kung ano ang ibinigay sa iyo ng Dakilang Lumikha.

Hindi rin naman ipinapayo ng matinong at mabubuting loob na mga experto na magpa-opera ka, uminom ka ng ganito o ganireng gamot, gumamit ka ng mga aripisiyal na bagay at kung ano-ano pang pamahid upang masulusyunan ang iyong problema, sa halip tulad ng naipaliwanag na, ang tamang pag-counsel sa nasabing mga indibidual na hindi mapakali sa pisikal nilang itshura ay ang salitang “pagtanggap!”

Maluwag sa loob mong tanggapin ang iyong pisikal na katangian, pagandahin mo ito sa natural na paraan, at pagkatapos magpasalamat ka sa Diyos, dahil kahit na mababa o kulang ang iyong height mas mapalad at mas mabuti ka parin, dahil iyon iba nga diyan ay pinanganak na kuba, palinghado ang spinal column, at ang iba ay hindi nga makalakad.

Ganon din ang parabula hinggil sa isang bata na may lumang sapatos. Nakadungaw siya sa bintana ng kanilang bahay, namumroblema at nalulungkot dahil malapit na ang pasukan. Sa isip-isip niya: “ang upod at luma ko na naman sapatos ang aking isusuot habang bago at magaganda ang sapatos ng mga ka-eskuwela ko.” Maya-maya may isang batang nakasaklay ang nagdaan sa karsada, hilahod ang kaliwang paa at putol naman ang kanan.

Nasabi ng bata sa sarili: “Buti na lang may luma akong sapatos, di tulad ng batang iyon, kahit kailan hindi na makakaranas pa na magsuot ng sapatos.

Kaya iyong mga may asawa diyan, magpasalamat kayo at kayo ay may asawa, iyong iba nga diyan, walang asawa o kaya naman’y hiwalay sa asawa. Pagsapit ng gabi sakbibi ng kalungkutan at pagiisa.

Kaya kayong mga may girlfriend at boyfriend, magpasalamat kayo sa kanya, dahil iyong iba nga diyan, walang syota. Sakbibi ng pananabik at pangungulila nagtatanong kung ano ba ang karanasan na magkaroon ng dyowa?

Kayong may mga regular na trabaho pero maliit ang suweldo, magpasalamat kayo dahil iyon iba nga diyan, palipat-lipat ng trabaho, habang iyong iba naman naubos na ang pera sa pag-bili ng biodata at pagkuha ng mga requirements hanggang ngayon istambay parin at walang kinikita.

Kayong mga butas ang bubong at laging tumutulo kapag umuulan, mapagsalamat kayo dahil iyon iba nga diyan ay squatter lang, malapit ng paalisin sa kanilang tinitirahan at iyong iba naman, sa buong buhay nila, lagi na lang silang nangungupahan at hindi na nagkaroon ng permanenteng tirahan.

Iyong mga walang sariling computer sa bahay, magpasalamat parin kayo dahil iyong iba nga diyan, hindi marunong sumulat at bumasa.

Sa mga estudiyanteng nag-aaral, magpasalamat kayo at mahalin at pahalagahan ninyo ang inyong edukasyon, dahil iyong ibang mga bata diyan, namumulot lang ng basura at sa halos-araw-araw ay nagkalat sa lasangan para mamalimos.

Sa mga may anak na makukulit magpasalamat kayo, sapagkat iyong iba ngang mag-asawa diyan, inip na inip ng magka-baby, ngunit nanatili paring baog.

Sa mga sanggol na may nadedede pa, kahit na mumurahing gatas lang magpasalamat kayo sapagkat iyong ibang sanggol diyan, sabaw na lang ng kanin at kung minsan ay purong tubig na lang ang dinedede sa maghapon.

Kung malusog ang inyong pangangatawan, pero laging gulay at mumurahing pagkain lang ang kinakain, magpasalamat parin kayo dahil iyong iba nga diyan, kahit sabihin pang mayaman, nakaratay sa banig ng karamdaman at iyong iba naman ay may taning na ang buhay dahil sa mga sakit na walang kagalingan.

Sa mga may buo at maayos na pamilya, kahit na naghihirap at kung minsan ay walang makain, magpasalamat parin kayo dahil iyon iba nga diyan, walang pamilyang dadatnan pag-uwi ng kanilang bahay.

Lagi tayong magpasalamat, kahit naghihirap ang ating bansa, di tulad sa Iraq at Afghanistan, patuloy na nagsu-suicide ang mga panatiko nilang kababayan upang maibalik lamang ang kalayaan na winasak ng mga walang hiyang dayuhan.

Magpasalamat tayong lagi sa Diyos, sa pagsikat ng bagong silahis ng araw ngayong umaga, sapagkat sa ibang panig ng mundo, sa tuktok at sa ilalim nito, sa loob ng isang taon minsan lang sumikat ang araw!

--------30---------

No comments:

Post a Comment